MAGALLANES, SINURI ANG EJEEP PARA SA POSIBLENG MODERNONG TRANSPORTASYON
MAGALLANES, Cavite — Sinuri ng lokal na pamahalaan ng Magallanes, Cavite ang isang fully electric at air-conditioned eJeep ng Global Electric Transport (GET Philippines) noong Setyembre 10, 2026, bilang bahagi ng pag-aaral para sa posibleng modernisasyon ng pampublikong transportasyon sa bayan.
Dumalo sa presentasyon ang mga opisyal ng LGU na pinangunahan ni Mayor Janessa Maligaya de Ramayo, kabilang sina Vice Mayor Aina Mari Sisante-Maligalig, Konsehal Jonathan Antazo, Municipal Administrator Atty. Tyn Mangubat-Abeleda, Cooperative Development Officer Ms. Lorie Frias, at kinatawan ng MBOCMPC.
Ipinakilala ng GET Philippines, sa pangunguna ni Founder at CEO Sigfrido “Freddie” Rodriguez Tiñga, ang kanilang electric eJeep na may air-conditioning bilang alternatibong mass transport solution.
“Isang bagong pangarap at plano para sa ating mga kababayan! Ang makabagong transportasyong ito ay maaaring maging susi sa mas ligtas, mas komportable, at mas sustainable na biyahe sa ating bayan. Unti-unti nating binubuo ang isang mas moderno at maunlad na Magallanes,” pahayag ni Mayor de Ramayo.
Layunin ng inisyatiba na makapaghatid ng mas ligtas, komportable, at makakalikasang sistema ng biyahe para sa mga pasahero.
Patuloy na pinag-aaralan ng LGU Magallanes ang posibleng implementasyon nito bilang bahagi ng mas modernong transport system sa bayan.
#CaviteConnect
PHOTO CREDITS: Municipality of Magallanes, Cavite

