Alfonso Siklab, Pormal nang Lumagda sa Official Contract Signing; Koponan Handa na sa Pickleball Competitions
ALFONSO, Cavite — Isang makasaysayang hakbang para sa larangan ng pickleball sa bayan ng Alfonso, Cavite ang naganap matapos pormal na mabuo ang koponan ng Alfonso Siklab sa isinagawang Official Contract Signing Ceremony nitong Lunes, Agosto 24, ganap na alas-3:00 ng hapon.
Pinangunahan ni Alfonso Mayor Randy Salamat ang nasabing pagtitipon kung saan nagtipon-tipon ang mga miyembro ng koponan na handang ipamalas ang kanilang galing at husay sa kanilang unang laban sa isang pickleball tournament na wala pang malinaw na direktiba kung kailan at saan magaganap ang naturang kompetisyon.




Ayon kay Mayor Salamat, nabuo ang Alfonso Siklab dahil sa pagkakaisa at pakikiisa ng bawat manlalaro na nais maging kinatawan ng bayan at ipakita ang talento ng mga Alfonso sa larangan ng pickleball.
Naroon din ang presensya ng mga opisyal na miyembro ng Alfonso Pasiklab na sina Kim Saraza, Al Quiza, Meds Ramos Saraza, Red Directo, Novi Melendez, Cindy Nuguit, Dania Lee Abjuela, at Matthew Lao, kasama si Keng Gaspar bilang Team Manager at Organizer.
Layunin ng grupo na higit pang palawakin at ipakilala ang pickleball sa Alfonso, Cavite sa pamamagitan ng pagsali sa mga kompetisyon at pagbibigay-inspirasyon sa mga residente na suportahan ang lumalawak na larangan ng naturang sports.
Sa pamamagitan ng pormal na pagkakatatag ng Alfonso Siklab team, inaasahang magiging bagong kinatawan ito ng bayan sa mga susunod pang pickleball tournaments sa loob at labas ng lalawigan.
Bukod dito, ayon pa kay Mayor Salamat, mas lumalawak na rin ang community ng Pickle Ball sa bayan ng Alfonso na nagpapakita ng pagiging aktibo ng bawat Alfoseño pagdating sa larong palakasan. #

