PULIS, SINIBAK SA PUWESTO MATAPOS UMANONG BUGBUGIN ANG ESTUDYANTE SA AMADEO
AMADEO, Cavite — Sinibak sa puwesto ang isang pulis na nakatalaga sa Carmona Component City Police Station matapos umanong suntukin ang isang 20-anyos na college student sa isang birthday party noong Oktubre 18.
Batay sa paunang imbestigasyon, pumagitna ang biktima upang protektahan ang babaeng kaklaseng nalasing matapos umanong magpahiwatig ang suspek na samantalahin ang kalagayan nito.
Dito umano sinuntok ng pulis ang estudyante sa kaliwang bahagi ng panga at labi. Dinala ang biktima sa ospital para magamot.
Ayon sa Cavite Police Provincial Office, iniimbestigahan na ang insidente at inilagay ang pulis sa Cavite Personnel Holding and Accounting Section.
Binigyang-diin ng tanggapan na hindi nito kinukunsinti ang pang-aabuso at ang sinumang mapatunayang lumabag sa batas ay haharap sa kaukulang administratibo at kriminal na parusa.
Source: Manila Bulletin
#CaviteConnect

