PRO 4-A, INILUNSAD ANG BEST SCHOOL ALERT SYSTEM PARA SA MAS MABILIS NA PAGTUGON SA EMERGENCY SA MGA PAARALAN
CALABARZON — Pinalalakas ng Police Regional Office 4-A (PRO 4-A) ang seguridad sa mga paaralan sa CALABARZON sa pamamagitan ng paglulunsad ng BEST School Alert and Rapid Response System, na naglalayong pabilisin ang pag-uulat at pagtugon sa mga emergency at insidente sa mga paaralan sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon.
Pinangunahan ni PRO 4-A Director Police Brig. Gen. Dominic Baccay ang paglulunsad noong Huwebes, kasama si Department of Education-Calabarzon Director Carlito D. Rocafort bilang panauhing pandangal at tagapagsalita.
Nakabatay ang sistema sa BEST framework o Be Visible, Engage Immediately, Serve Together, and Transform Trust, na naglalayong palakasin ang koordinasyon ng pulisya, mga paaralan at mga katuwang na ahensya upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral.
Sa isinagawang demonstrasyon at simulation exercise sa PRO 4-A Regional Command Center, ipinakita ang proseso ng pagtanggap ng emergency alert, koordinasyon ng mga responder at agarang pagresponde sa insidente.
Binigyang-diin ni Rocafort ang kahalagahan ng pagtutulungan ng sektor ng edukasyon at kapulisan upang mapanatili ang ligtas na kapaligiran sa mga paaralan.
Samantala, tiniyak ni Baccay na patuloy na palalakasin ng PRO 4-A ang mga hakbang laban sa karahasan at kriminalidad na maaaring magbanta sa kaligtasan ng publiko, lalo na ng kabataan, sa pamamagitan ng mas mabilis at koordinadong pagtugon sa mga insidente. #
SOURCE: PRO 4-A

