₱26.45-M PONDO SA DRAINAGE AT RETAINING WALL, ILALAAN NG SILANG LGU PARA SA BAHA

Nakatakdang ilunsad ng pamahalaang bayan ng Silang ang mga proyektong nagkakahalaga ng ₱26.45 milyon upang tugunan ang matagal nang problema sa pagbaha sa ilang barangay.

Ayon kay Mayor Gen. Ted Carranza, ilalaan ang pondo sa rehabilitasyon ng drainage systems sa Lumil, Kaong, at Sabutan, at sa pagtatayo ng retaining wall sa Bulihan at iba pang apektadong lugar.

“Mga kababayan, naiintindihan ko ang hirap na dinaranas ninyo, pero hindi tayo titigil dito. May pondo na, may plano na, at sisimulan na ang solusyon,” pahayag ni Mayor Carranza sa kanyang Facebook post.

Binigyang-diin ng alkalde na layunin ng proyekto na magbigay ng pangmatagalang solusyon sa pagbaha at mapabuti ang kaligtasan ng mga residente.

Dagdag ng alkalde, kasabay ng implementasyon ng mga proyekto ay ang pangangalaga sa kalikasan, partikular sa mga puno.

“Habang inaayos natin ang drainage, aalagaan din natin ang mga puno. Hindi solusyon ang walang pakundangang pagputol ng puno,” dagdag ng alkalde.

Inaasahang agad sisimulan ang mga proyekto bilang bahagi ng flood mitigation at disaster preparedness program ng lokal na pamahalaan.

Photo screenshot: Mayor Gen Ted Carranza/Facebook

Leave a Reply

Discover more from CAVITE CONNECT

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading